Lourd de Veyra: UP College of Mass Communication Speech

Thursday, September 27, 2012

Lourd de Veyra: UP College of Mass Communication Speech



First time akong makaka-attend ng graduation ng college. Kahit sarili kong graduation ay hindi ako nakadalo. Nung panahon ko ay hindi ako naka-martsa sa entablado. Hindi rin ako naka-graduate on time.
Seven years after ko pa nakuha ang diploma ko, pero hindi na ako nag-martsa. Parang nakakahiya na. Kaya hanggang ngayon, ay masamang-masama ang loob ng aking ina dahil hindi kami nagkaroon ng Kodak moments. Pero wala nang Kodak ngayon. Kaya sinama ko na lang siya dito. Ayaw niyang maniwala na ako ang graduation speaker ng UP Mass Com.

Habang nagma-martsa sa PICC ang mga miyembro ng UST Arts and Letters batch 1995, kaming tatlo ng best friends ko ay naglalasing, nagdadalamhati na masisira na ang buhay namin.
Marami salamat sa imbitasyon. Kahit sa ‘min sa TV5 ay parang ayaw nilang maniwala.

“Bakit ikaw?” Yan din ang tanong ko. Busy siguro si Boy Abunda. Sabagay uso naman yata ang mga patawang graduation speech. Si Will Ferrell at si Sacha Baron Cohen ay inimbatahan ng Harvard nung 2003. Alam ko ang naiimbitahan sa ganito ay yung mga middle-age na may mga mahalaga nang naiambag sa lipunan at sa mass media— bukod sa pag-endorse ng isang brand ng alak at pagkakaroon ng billboard sa Edsa na may pekeng abs. Hindi rin naman masyadong nagkakalayo ang mga edad natin.

Para sa inyong lahat: walang sisihan. At para sa lahat ng mga aktibista dito, sana ay patapusin niyo muna akong magsalita bago kayo umakyat dito at magwagayway ng banderang “Serve the People” (Tingnan natin kung makakapag-serve the people pa rin kayo habang nagsusulat ng dialogue sa telenovela ni Aljur Albrenica sa susunod na taon).
Maraming salamat ulit.

Tinuturing ko itong isa sa mga pinakamatataas na karangalan ang maimbitahang magsalita sa harap niyo— hindi nga ako gradweyt dito eh. Eh kahit nga sariling kong alma mater hindi ako iniimbitahan magsalita. Siguro kinahihiya nila ako.  Hindi rin nila ako naimbitahang magturo ulit. Buti pa ang De La Salle University, na naanyayahan akong magturo nung huling term.


Hindi ko sigurado kung ano ang gusto kong sabihin.
Pero bago ang lahat, gusto ko munang gayahin si Miriam Defensor Santiago na hihirit muna ng pickup line bago mag-speech, lalo na dito sa UP. “Yelo ka ba? Para kasi ang sarap mong ipukpok sa pader eh.”
Marami sa inyo ang magtatrabaho sa mass media. Marami rin sa inyo ang papasok sa gobyerno. Malamang marami rin ang ibebenta ang kaluluwa sa advertising at gagawa ng mga kopya tungkol sa shampoo at fried chicken. Ilan sa inyo ay mangingibang bansa. May porsyento na mananatiling tambay. Ang ilan naman ay magkakaroon ng scandal video at tuluyang masisira ang buhay.

Hindi ko na siguro kailangang sabihin kung gaano kayo kapalad na mapabilang sa henerasyon. Nabubuhay kayo sa mundo na wala ka nang karapatang maging tanga, maging mangmang. Dapat may maglabas ng ganyang slogan sa advertising, “BAWAL MAGING TANGA.” Nagtatampisaw tayo sa baha ng impormasyon.
Pero hindi pa rin maiiwasan na may magtanong sa Twitter kung ano daw ang capital ng Pakistan. Kung may Internet connection ka, you could have saved yourself the humiliation of being called stupid and instead make GMG: “Google mo, gago!”

Pero ito ang problema. Iba ang impormasyon sa karunungan — ganap na talino at dunong.
Hindi lahat ng may impormasyon ay may talino. Ang impormasyon ay phone number ni Coco Martin. Pero ang karunungan ay si Coco Martin mismo. Siya at ang kanyang katawan. Yaaa-meeee.
Sa mundong umaapaw sa datos, wala na tayong excuse maging mangmang. Pero kahit si Christopher Lao ay ganap na abogado ngayon, he was still not informed. Minsan, sa pagnanais nating makakuha ng impormasyon, nakakalimutan natin ang talino, ay ang may saysay.

Eksampol na lang nito ang panonood ng concert habang nagvi-video ng performance.
Para kang tanga: ilang oras kang nakahawak sa cellphone mo, nakataas ang kamay, at sa proseso ay nalimutan mo ang dapat mong pakay: ang mag-enjoy sa konsyerto.

Ang hinaharap nating hamon ay kung paano humubog ng saysay mula sa bundok-bundok ng impormasyong ito. Uulitin ko. Napakapalad ninyo.

Kung alam niyo lang. Kung alam niyo lang kung paano ang buhay kolehiyo namin noon. Ngayon halos lahat na bahay ay may computer at Internet connection. Dati umaarkila pa kami ng computer—kung hindi sa Cubao, sa Pasay— para lang makagamit ng sinaunang Microsoft Word. Ang thesis ko pa ay sinulat sa electric typewriter.
Twenty years ago, on exactly this month, ay tinatiyaga ko ang maglakad sa ilalim ng init ng araw para manghiram lang ng libro sa Thomas Jefferson Library at British Council.  Ngayon, ang kailangan niyo lang gawin ay “GMG.”

Twenty years ago, pauso pa lang ang grunge, at kinailangan pa naming bumiyahe papuntang Pasay para manghiram lang ng cassette tapes. Ngayon, GMG lang at…. Download. Ni hindi mo na kelangang lumabas ng bahay.

Huwag niyo sanang sayangin ang swerte. But speaking of swerte….
Tumigil na akong maniwala sa pagpaplano ng buhay.

Corny mang pakinggan, mas naniniwala ako sa tadhana. Kung totoo na talino at galing ang sekreto sa tagumpay, dapat wala ako dito ngayon. Hindi ako ang pinakamahusay na manunulat sa aming kolehiyo. At higit na mas marami ang mas magaling mag-isip kesa sa akin.

May paborito akong kasabihan mula sa idolo kong nobelistang si Kurt Vonnegut. “Unannounced changes in life’s itinerary are like dancing lessons from God.” Napakagandang ideya. Napaka-akmang metapora. Dancing lesson.
Sa dancing lesson, wala kang ibang pwedeng gawin kundi sumunod. Pag hinila ka dito, sunod ka na lang. Pag binaba ka, bumaba ka rin. Pag hinagis ka, magpagaan ka ng katawan.

Susugan din ito ng isa pang quote mula kay Voltaire: “I refuse to believe in a God who does not know how to dance.” Ang pagsayaw ay isang ekspresyon ng ligaya, ng laro, ng kalayaan ng katawan at diwa na mayroon pa ring sistema. Pero ako mismo ay literal na hindi marunong sumayaw.
Heto ang maiksing kwento ng buhay ko.

Pagkatapos ng kolehiyo, diretso sa trabaho sa diyaryo bilang reporter at editor. Umatend ng sandamukal na writing workshops. Nagtrabaho sa isang creative writing center. Rumaket sa iba’t ibang mga magazines. Nagtayo ng banda at nag-record ng apat na albums.

Nakapagsulat ng apat na libro ng tula sa Ingles, isang aklat ng essays, at isang nobela. Naka-tsamba ng ilang writing awards along the way. Tatlong taong gumagawa ng mga maiiksing dokumentaryo at video opinion pieces para sa TV5.  Kaya heto ako ngayon, weather presentor ng Aksyon prime news.

Weather? Ang labo no? Hindi ko inakala na mag-a-ala Amado Pineda o Ernie Baron o Kuya Kim ako.
By the way, kahapon ang record ng pinakamainit na temperatura sa Metro Manila sa taong ito. 35.9 degrees Celsius. Dahil pa rin yan sa ridge of high pressure area na umiiral diyan sa Hilagang Luzon.

Nung ako’y nasa elementarya pa, akala ko magiging pintor ako. Kung hindi pintor, sundalo. Nung high school naman, gusto kong maging gitarista. Pero gusto ni Erpat… abugado.

At hanggang ngayon, feeling ng tatay ko ay hindi ako ganap na matagumpay dahil walang “A-T-T-Y” sa simula ng pangalan ko. Hindi ko naman inakala na gusto ko palang magsulat.

At hindi ko rin namang inakalang marunong pala ako magsulat hanggang second-year college. Late bloomer ako pagdating sa panitikan. Nagtrabaho ako sa diyaryo ng anim na taon. Naging editor ng magazine ng mahaba-haba ring panahon. Sino bang mag-aakalang lalabas ako sa telebisyon?

Ngayon, may tatlo akong programa: ang Aksyon (kung saan ako nagwe-weather), ang talk show na Wasak sa Aksyon TV 41 (dito iniinterbyu namin lahat, mula kay Rico J. Puno hanggang kay Gringo Honasan), at ang Word of the Lourd.

Napasok ako sa TV taong 2009, nang tawagan ako ni Patrick Paez, isa sa mga bosing ng News and Public Affairs department ng singko— noong mga panahong nagdarahop pa ang istasyon (Oo, naranasan kong magtulak ng isang bulok na Toyota Revo na walang umasikaso ng baterya). Inalok niya ako ng isang segment sa late-night programang The Evening News. Bahala daw ako kung ano ang gusto kong gawin.
“Ano nga ba ang gusto kong gawin?” tanong ko sa sarili. Eh ang kaunting nalalaman ko sa TV production ay limitado lamang sa music video. Paano kaya kung makagawa ng paraan na pagsamahin ang elemento ng MTV at ang satirikong panulat?

Dito na pinanganak ang Word of the Lourd. Medyo blasphemous; wala na akong ibang maisip na title. Ninais nitong talakayin mga paksang hindi pinag-uusapan ng “seryosong” media.

Pero sa loob lamang ng tatlo hanggang apat na minuto. Hindi kailangang sundin ang mga kumbensyon ng isang mainstream report—dahil hindi naman siyang obhektibong pag-uulat.

Walang resource speaker o case study na iinterbyuhin, dahil, bakit pa? Ang mga unang paksa ay tungkol sa pagkakaroon ng abs, ang pagkahumaling ng Pinoy sa pagpapaputi ng kutis, at ang hygiene ng mga Pinoy. Di nagtagal, ang nunal ni Gloria hanggang buhok ni Noynoy, at tumagal hanggang sa pagka-macho ni Papa Piolo at ang tili ni Midas Marquez.

Kung hindi mainit na political issue, isang paksang may kinalaman sa kultura’t kasaysayan— gaya na lang ng balahurang asal sa social media, relihiyon, pagdura, pag-utot, mga mababantot na apelyido, Rizal trivia at iba pang mga historical tsismis, etc.

Hindi ko alam kung bakit siya hit. Pero dito ngayon pumapasok ang pagkaka-pareho namin nila Justin Bieber at Charice Pempengco.

Pero dito naman ako nagpapasalamat sa Internet, lalo na sa Youtube.

Dahil sampung tao lang yata ang nanonood ng Channel 5 noon, nagdesisyon ang isang editor na i-upload ang mga sinaunang episodes ng Word of the Lourd. Kung di dahil sa Youtube, sampung tao pa rin ang nakakapanood ngayon ng programang ito. Akala nga ng iba: sa Youtube ito unang umeere—kaya naiimbitahan ako lagi sa mga forum tungkol sa “alternative media.”

Anong alternative media pinagsasabi niyo diyan? May pera na kami ngayon. Ini-edit sa mamahaling computer ang video namin. Sosyal ang nire-rentahan naming van.

Hindi ko pa rin ang alam kung bakit siya nag-click—o kung matatawag nga itong “click” dahil mas marami pa ring views ang videos ni Petra Halimuyak at yung mga videos ng mga pagong na kumakanta.

Gayunpaman, ang swerte ko pa rin dahil sa kalayaang binigay sa akin ng mga boss na isulat ang gusto kong isulat—wag lang libelous. Nagpapasalamat din ako sa Gloria Macapagal Arroyo at Kris Aquino sa walang humpay na materyal na binibigay nila. Buti na lang at hindi ako brodkaster sa probinsiya— sa mga ganun, walang sense of humor ang mga politiko.

So, muli, sa inyong lahat, congratulations. Sana lang, wag tayo lahat matusta ng rocket ng North Korea. May dahilan kung bakit tinawag itong “commencement exercises.”

Commencement dahil magsisimula pa lang kayo sa biyahe niyo sa buhay. Kaya heto na ang payo portion.
Obvious naman: pero kailangan uling sabihin. Mahalin mo ang ginagawa mo. Huwag magtatagal sa isang trabahong hindi mo gusto? Bakit mo naman gagawin yun? Dahil sa salapi?
Darating din yan, basta buhos mo lang ang kaya mo, kesyo indie film man yan o isang artikulo tungkol sa pagkain o paglalabada.

May kwento tungkol sa isang monghe sa monasteryo. Napansin ng isang bisita na walang ginawa ang monghe na ito kundi magtrabaho sa hardin buong araw.
“Bakit daw hindi nagdadasal ang mongheng ito?” Sagot sa kanya, dahil buong isip at diwa ng mongheng ito ay nakalaan sa pagdilig at pagtabas at pagtanim sa halaman, mas taimtim pa daw ang dasal nito kesa sa mga nakaluhod sa loob ng simbahan.

Wag seryosohin ang sarili. Pero teka, kelangang klarohin ko ito. Okay lang ang serious, huwag lang solemn. Walang bagay sa mundo ang hindi napapagaan ng pagkakaroon ng sense of humor.
At pinakahuli sa lahat, matutong magtimpla ng kape. At hindi lang basta kape—dapat ito ang pinakamasarap na kape sa buong mundo. Hindi na siguro uso ngayon ang uutusan kang magtimpla ng kape ng boss mo pag ikaw ay nagsisimula pa lang.

At sigurado akong may teacher kayong nagpayo sa inyo na huwag na huwag kayong papayag na patimplahin kayo ng kape ng boss ninyo. May punto naman sila. Pero parang Karate Kid lang yan eh.
Galit na galit at takang-taka ang batang disipulong si Ralph Macchio: “Nagte-training ako ng karate, di ba? Bakit inuutusan ako ng matandang guro na maglinis ng kotse niya? Bakit niya ako inuutusang magpintura ng bakod ng bahay niya?” Sa huli, naintindihan niya rin kung bakit. Wax on. Wax off. At kung ikaw ay fan ng mga kung fu movies, ang ganitong tila-mababang pagsasanay ay pangkaraniwang arketipo. Paano ka pagtitiwalaan ng mas malaking responsibilad kung ang isang maliit na gawain ay di mo magawa nang maayos?
Okey, ituring lang na simbolo ang pagtitimpla ng kape. Kung hindi kape, malamang pabibilhin ka ng blank DVD, o may ipapahatid sa iyong papeles o P2 card.
Kung ayaw mo namang magka-boss, aba…. Madali lang yan. Andiyan naman ang You Tube. Libre naman ang magbukas ng blog (Aba, maraming kumikita diyan; lalo na pag tungkol sa pagkain— kahit hindi ka marunong magsulat).

Basta, keep it real, ika nga ng kasabihan. Minsan sa makabagong mundo, sa virtual na realidad, minsan nakakalimutan natin kung saan tayo nakatungtong, kung saan tayo kumikilos.
Bilang pangtapos, gusto kong basahin ang isang tula ni Jose F. Lacaba.

NAKATINGIN SA BITUIN

Di naman panay dilim
ang gabing walang buwan
pagkat maraming bituin
akong nakita noon,
paglakad sa lansangan
nakatingin sa bituin.

Mga hiyas sa langit
(‘ka nga) nagkikislapan,
wala ni isang pangit,
wala akong makita
paglakad sa lansangan
nakatingin sa bituin.

Di ko tuloy napansin
ang dinadaanan,
kalsadang walang ningning,
pagkat talagang abala
paglakad sa lansangan
nakatingin sa bituin.

Nasalpok ko tuloy,
nasalpok ng isang paa,
ang isang tambak ng
taeng kalabaw sa daan:
paglakad sa lansangan
nakatingin sa bituin.
Santambak na kumalat
Sa kalsada’t paa ko,
Paalala ng lupa
Na paa’y nakatapak,
Paglakad sa lansangan
Nakatingin sa bituin

Sa Batch 2012, congratulations at good luck, at sana ay huwag kayong makaapak ng tae ng kalabaw sa landas niyong tatahakin. Kung sakali man, sumayaw ka na lang.

InterAksyon.com